Friday, November 29, 2024

Pakner sa paglaya ng inaapi

PAKNER SA PAGLAYA NG INAAPI
Nobyembre 29 - International Day of Solidarity with the Palestinian People 

minsan, pakner kami ni Eric pag may rali
o kung may aktibidad tulad ng sa U.P.
pag sinigaw namin: From the River to the Sea!
ay sasagot ang iba: Palestine will be Free!

kaya nga, ngayong Nobyembre bente-nuwebe
na International Day of Solidarity
with the Palestinian People, kaisa kami
nila na kalayaan yaong sinasabi

habang sa uring manggagawa nagsisilbi
sa bandilang Palestino, kami'y nag-selfie
na isyu ng paglaya nila'y mapalaki
at mapalayas ang mananakop na imbi

ka Eric, mabuhay ka't pagkilos ay pirmi
sana'y dinggin ng mundo ang ating mensahe
mga kasama, makiisa tayo dine
hanggang madurog ang anumang pang-aapi

- gregoriovbituinjr.
11.29.2024

* kuha ang litrato sa unang araw ng Fight Inequality Alliance (FIA) Global Assembly mula Setyembre 4-7, 2024 sa UP Diliman

Thursday, November 28, 2024

Pakikiisa sa mamamayang Palestino

PAKIKIISA SA MAMAMAYANG PALESTINO

naritong nagpupugay ng taaskamao
sa lahat po ng mamamayang Palestino
sa International Day of Solidarity
with the Palestinian People ngayong Nobyembre

nawa'y mapagtagumpayan ninyo ang laban
mula sa panunupil ng kalabang bayan
nawa lugar ninyo'y tuluyan nang lumaya
at maitatag ang isang malayang bansa

kami rito'y lubusan pong nakikiisa
kami'y kasandig ninyo sa pakikibaka
laban sa pagsasamantala't pang-aapi
upang mananakop ay tuluyang iwaksi

magkasangga tayo sa lipunang pangarap
na wala nang kaapihan sa hinaharap
lipunang makatao'y dapat maitayo
at dapat maitatag sa lahat ng dako

- gregoriovbituinjr.
11.29.2024

MABUHAY ANG MGA PALESTINO!
Nobyembre 29 - International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Pagkaing Palestino sa hapunan

PAGKAING PALESTINO SA HAPUNAN bukod sa shawarma, minsan lang ako makatikim ng mga pagkaing Palestino, na tulad nito may halong mani, makulay...